Ang Tsina, Pilipinas at Israel

Ang tensyong pulitikal sa West Philippine Sea (South China Sea) ay pinangangambahang magdulot ng panibagong digmaan makalipas ang mahaba habang katahimikan sa rehiyon ng Timog Silangang Asya. Hindi naman lingid sa kaalaman nating lahat na ang Tsina at ang Pilipinas ay nag-aagawan sa Scarborough Shoal (Panatag Shoal o Bajo de Masinloc ng Pilipinas at Huangyan Island ng Tsina). Sa mga nakalipas na araw, ang dalawang bansa ay nagpakita ng kanilang paninindigan sa pag-angkin sa Scarborough Shoal pero sa kabila nito pinipilit pa din nilang ayusin ang sigalot sa mademokratikong pamamaraan. Subalit hindi buo ang loob ng Tsina sa pakikipagayos sa kadahilanang hindi sila pabor sa suhestiyon ng Pilipinas na idulog ang  isyu sa International Tribunal for the Law of the Sea (ITLOS) sa kadahilanang mas gusto ng Tsina ang usapang bilateral. Bakit? Kasi kadalasan, pagdating sa bilateral na paguusap, mas  nakakalamang ang kanilang kagustuhan.

Ang basehan ng Tsina sa pag-angkin ng Scarborough Shoal ay isang mapa noon pang panahon ng Yuan Dynasty (1279) na kung saan ang shoal ay nakaguhit dito at sinasabing pinangingisdaan na ito ng mga Tsino noong mga panahong yaon. Noong 1935 idineklara ng Tsina na ang shoal ay parte ng Zongsha Islands ( Macclesfield Bank) at ang posisyong ito ay pinaninindigan hindi lang ng Tsina kundi pati na rin ang kalapit bansa nating Taiwan. Mas tumindi ang kanilang pag-angkin ng i-anunsiyo ng Pilipinas noong 1950’s na ang lahat ng isla, shoal at atoll na malapit sa Pilipinas ay pag-aari ng Pilipinas kaya noong 1958 pormal na inilabas ng bansang Tsina ang deklarasyon nito na:

Ang sakop ng teritoryong pangkaragatan ng Tsina ay umaabot sa labindalawang milya mula sa kanilang kalupaan na nangangahulugang ang Taiwan at mga isla ng Penghu, Dongsha, Xisha o Paracel, Zongsha o Macclesfield Bank at Nansha o Spratly Islands at iba pang isla na nakahiwalay sa mainland China ay pag-aari ng bansang Tsina.

Mas lalong lumakas ang kanilang paninindigang angkinin ang lahat ng isla sa West Philippine Sea noong “pinaalis” o umalis ang mga Amerikano sa kanilang base militar sa Subic, Zambales noon.

Sa kabilang dako ang Pilipinas ay naniniwalang bago pa man sakupin ng mga Espanyol ang bansa, ginagamit na ng mga katutubo ng Pangasinan at Zambales ang isla sa pangingisda. Noong 1957, nagsagawa ng oceanographic survey ang Pilipinas katulong ang US Navy, naglagay ng bandila ng Pilipinas sa isla at nagtayo pa nga ng parola. Ikalabing-walo at ikalabing-siyam na siglo na ang nakakaraan ng inilabas sa Estados Unidos at Espanya ang mga kartograpikong mapa ng Pilipinas kabilang na ang Panatag shoal. Base sa mapang Carta hydrographica y chorographica de las Islas Filipinas (1734) – sa kaliwa, ang Panatag shoal ay tinatawag na noong Panacot shoal na nagpapatunay na ang Pilipinas ay may karapatan ding mag-angkin kung ang pagbabasehan ay makalumang mapa. Noong 1900’s din lumabas  ang Mapa General Islas Filipinas, Observatorio de Manila at ang US Coast and Geodetic Survey Map na naglalagay sa Scarborough Shoal sa pangalang “Baju De Masinloc” bilang pag-aari ng ating bansa. Sa makatwid, mas kinikilala ng mga bansang kanluranin noon pa man na ang Scarborough shoal ay nasa  ilalim ng soberaniya ng Pilipinas. Sa panahon ni Pangulong Marcos taong 1978 ng ipagtibay ang Exclusive Economic Zone (EEZ) na nagsasabing ang teritoryong pandagat ng Pilipinas ay umaabot sa 200 nautical miles mula sa kalupaan. Sa panunungkulan ni Pangulong Arroyo ng napagtibay ang Philippine Baselines Law of 2009 (RA 9522) na nagsasabatas na ang Spratly Islands at ang Scarborough Shoal ay bahagi ng Republika ng Pilipinas.

Kung anuman ang kahahantungan ng lahat ng ito, kung hindi man maayos sa demokratikong paguusap, handa bang manindigan ang Pilipinas laban sa Tsina hanggang sa kamatayan? Sinasabing ang pagsuong ng Pilipinas sa giyera ay isang pagpapatiwakal. Bakit nga ba naging ganito ang sitwasyon natin?

Naalala ko tuloy ang bansang Israel. Isang maliit na bansa pero napakalakas ng pwersang militar. Namumuhunan sa mga hi-tech na kagamitang pandigma kabilang na ang anti-ballistic missiles. Ang Israel din ay isa sa pitong bansang kayang maglunsad ng kanyang sariling satellite programs, at pinapaniwalaang may sariling nuclear weapons isama na jan ang chemical and biological weapons of mass destruction. Karaniwan na para sa mga kalalakihang Israeli na may edad na labingwalo na magsanay sa militarya ng tatlong taon. Ito ay mandatory service  para sa  mga kalalakihan. Kailangan nilang maging reserve forces ng Israel military for several week of reserve duty every week hanggang tumuntong sila sa edad na 40. Kung sabagay, kelangan nila ito. Maraming digmaan ang pinagdaan ng Israel. Marapat lamang na maging handa sila lagi mula sa pag-atake ng kanyang mga kalapit na Arab nations maging ng mga bansang nasa Africa at ng bansang Russia. Pero hanggang ngayon, nakatayo pa din sila. Napakalakas nila kung baga kay Yahweh.

Kung tutuusin ang land area ng Pilipinas ay mas malaking di hamak sa Israel ng labintatlong beses at labindalawang beses pagdating naman sa populasyon. Pero bakit hindi natin kayang tapatan o kaya naman i-upgrade ang ating military equipment and defenses? Is it because, Filipinos are peace loving people? Well yes, pero sigurado akong lahat ng problema ng Pilipinas ay hindi lang dahil sa mga buwayang nakaupo sa kani-kanilang mga trono kung hindi dahil din sa attitude at disiplina ng karamihan sa atin. Naalala ko din yung tinanggal na ROTC sa kolehiyo. Sabi ko noon, hindi na kelangan nun, pero ngayon ko lang napagtanto kung gaano kaimportanteng maihanda tayo sa mga pagkakataong kailangan nating ipagtanggol ang ating karapatan. Sayang talaga, nakakapanghinayang ang kakayahan ng mga Pilipino. Nakakapanghinayang ang resources na hindi lubusang nagagamit ng mga Pilipino.

Ang Tsina ay kilala sa pagiging ganid (GREEDY) at ang Pilipinas naman ay kilala sa pagiging mapagmalaki (PRIDEFUL). Mga katangiang mukhang magpapasimula nga ng digmaan. Malaki ang pag-asa nating makuha ang simpatiya ng ibang bansa kung hindi tayo ang gagawa ng unang hakbang para atakihin ang Tsina (that’s suicide). Hintayin nating sila ang umatake. Kasi subok na ang stratehiyang, kung sino ang mukhang inaapi, siya ang maraming kakampi. At kung maraming kakampi, malaki ang posibilidad na tayo’y magwagi. Maaaring hindi vocal ang Amerika pagdating sa tulong na hinihingi nating tulong sa kanila  dahil sa bilyon-bilyong pautang ng Tsina sa Amerika pero naniniwala ako na walang tao sa planetang ito na kayang tiising makita ang isang bansa na pinupulbos ng walang kalaban laban. It’s human nature to help.

Kaya people, think and act like David!

Ikaw, handa ka bang ipaglaban ang  karapatang pang-soberaniya ng Pilipinas?